PAHAYAG NG NATIONAL PRESS CLUB:
Disyembre 12, 2019
NPC ‘KINASTIGO’ SI NCRPO ACTING DIRECTOR DEBOLD SINAS SA ‘PAMBABASTOS’ SA ISANG BABAENG REPORTER
KINASTIGO ng National Press Club o(NPC) ang ginawa umanong pambabastos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) acting director, B/Gen. Debold Sinas sa isang babaeng reporter Ng GMA-7 kaninang umaga.
Ayon kay Paul Gutierrez, Chairman ng NPC Press Freedom Committee at Vice President ng samahan, hindi naging maganda ang pakikitungo ni Sinas sa hindi na pinangalanang reporter na magko-cover sana sa aktibidad ng ncrpo bandang alas-5 ng umaga sa Maynila.
Nabatid na nagsagawa ng ‘ocular inspection’ ang NCRPO kasama ang Manila POlice District (MPD) sa nasasakupan ng Quiapo Church bilang paghahanda sa seguridad ng ‘Traslacion 2020.’
Magtatanong sana ang naturang reporter hinggil sa ginagawang inspeksyon pero sinopla siya ni Sinas ng dalawang beses saka sinabihan na “mamaya na lang” dahil mag-isa pa lang siya na nagkokober sa ginagawang inspeksyon.
Nagsasalita pa umano ang mamahayag ng takpan ni Sinas ang kanyang mukha ng kamay nito bago tinalikuran.
Inulit pa ni Sinas ang kanyang ginawa nang muling magtangka ang mamamahayag na makapanayam siya at saka sinabihan umano nang, “hindi ba sinabi ko sa iyo, mamaya ka na at mag-isa ka palang.”
Dahil dito, tila napahiya ang babaeng reporter kaya’t umalis na lamang siya at hindi na bumalik pa.
Sinabi naman ni Gutierrez na sana ay naging professional si Sinas sa ginawa nito lalo na’t professional din naman ang mga taong nagtatanong o magtatanong sa kaniya sa hanay ng media.
Respetuhin din sana ng opisyal ang media lalo na’t sila ang mga nagbabalita ng mga ginagawa ng NCRPO maging sa ilang ahensiya ng pamahalaan.
Bago ang insidente, “isinara” na rin ni Sinas ang ‘Media Viber Group’ ng NCRPO na binuo ni dating NCRPO director, Lt. Gen. Guillermo Eleazar.
Ayon sa mga impormante, ipinasara ni Sinas ang nasabing viber group dahil hindi naman umano siya ang gumawa nito at hindi rin niya kilala ang mga miyembro nito. ###